Hindi lang maituturing na responsibilidad kundi isang napakahalagang oportunidad para sa Pilipinas ang pagiging kasalukuyang chair nito ng ASEAN Summit upang maitulak ang mga agendang may malaking interes ang bansa.
Sa panayam ng PTV kay Political Analyst Prof. Ranjit Rye sinabi niyang isang perpektong venue ang ASEAN lalo na ang Pilipinas ang chair para magamit ng bansa ang agenda setting powers nito.
Kabilang nga sa mga malalaking bunga na ngayo’y inaani na ng bansa ay ang usapin sa security cooperation sa mga kapwa ASEAN country nito at sa mga dialogue partners kabilang na ang Australia at Japan kung saan kapwa nag-commit ang mga ito ng mas malakas na defense cooperation hindi lang sa ASEAN kundi maging sa Pilipinas.
Lalo ding pinatitibay ng nasabing Summit ang pagkakaunawaan sa mga ASEAN member states at sa mga dialogue partners nito na patuloy na dumarami at nadaragdagan.
Ani Rye nasa magandang posisyon ang Pilipinas dahil naging maganda ang bunga ng mga naunang ministerial meetings at conferences na kapwa nagpakita ng mga positibong resulta.