Nasa higit 100 gasolinahan sa bansa ang nabisto ng Department of Energy (DOE) na hindi sumunod sa ipinatupad na malakihang oil price rollback noong nakaraang linggo, November 10-13.
Batay sa datos ng Oil Industry Management Bureua mula sa 213 na ininspeksyon sa buong bansa, 114 ang hindi sumunod.
Sa ngayon hawak na ng legal department ng DOE ang mga dokumento at posible silang makasuhan.
Ayon naman kay Oil Management Bureau Director Rino Abad, dalawa ang maaari nilang isampang kaso, ito ay kasong kriminal na may kulong na tatlong buwan hanggang isang taon at ₱50,000 hanggang ₱300,000 na penalty. Pwede ring suspendihin mismo ang lisensya ng establisimyento.
Giit ng DOE hindi pwedeng ikatwiran na lumang suplay na ang mga gasolina kaya hindi magbababa ng presyo dahil dapat ay sinusunod ang price adjustment dahil ibinabatay ito sa presyo ng langis sa world market.