Photo courtesy of ASEAN Facebook
Labis na ikinatuwa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga naging inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ASEAN Summit kung saan bilang Chair ng ASEAN ay isinulong ng Pangulo ang mas malawak na merkado para sa BARMM sa ASEAN member states at dialogue partners.
Sa panayam ng Salaam Radio kay Bangsamoro Board of Investment Chairman Mohamad Omar Pasigan, sinabi niyang partikular na tinutukan ni Pangulong Marcos ang mas malakas na ugnayan ng BARMM at Mindanao sa Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area o BIMP-EAGA at sa napakalaking economic potential nito.
Ani Pasigan, malaking bagay ang naging imbitasyon ni Pangulong Marcos sa lahat ng dumalo sa ASEAN Summit mula sa head of states, dignitaries, at delegado na muling bisitahin at saksihan ang ganda ng Pilipinas kasama na nga rito ang mga destinasyon sa Mindanao.
Sa katunayan, nakakapagtala na ng paglakas ng aktibidad sa sektor ng turismo ang BARMM na nakatatanggap na ng mga bisita hindi lang sa pamamagitan ng lokal na turista kundi mga turista mula sa mga kalapit na bansa at rehiyon.
Pagtitiyak naman ng pamunuan ng BARMM na handang-handa na sila sa pagdating ng mga turista upang ipamalas ang ganda, likas na yaman, at kultura ng Mindanao na tiyak babalik-balikan ng mga turista lokal man o dayuhan.