Mahigpit ang bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pagtuunan ng pansin ang pagtatayo ng mga pangunahing health facility ng bansa.
Ito ang naging pahayag ni DPWH Secretary Giovanni Lopez kasunod ng isinagawang sanib-puwersang inspeksiyon ng Department of Health (DOH), Department of Transportation (DOTr), at DPWH sa nagpapatuloy na konstruksyon ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Philippine Cancer Center.
Ani Lopez, direktiba ng Pangulo na ituring ang kalusugan bilang pangunahing karapatan ng bawat Pilipino.
“Ang sabi po talaga sa atin ng mahal na Pangulo, that the health of the Filipinos are not just a privilege, it’s a basic right. Karapatan po ng bawat Pilipino na magkaroon ng world-class health facilities, world-class healthcare,” pahayag ni Lopez.
Dagdag pa ng kalihim, layunin ng mga proyektong ito na tuluyan nang wakasan ang mahabang paghihintay at pila sa mga pampublikong ospital, at bigyan ng bagong pag-asa ang mga pasyenteng may malulubhang karamdaman.
“Karapatan din po nila na pag pumunta sila sa ospital, hindi na po sila mag-aantay ng matagal, hindi na po mahaba ang pila. At higit sa lahat, karapatan po ng bawat Pilipino na magkaroon ng pag-asa na gagaling po sila sa kanilang sakit, kasi ngayon po kakampi na po nila ang gobyerno,” pagtatapos ni Lopez.
Inaasahang matatapos ang proyekto sa NKTI sa unang bahagi ng 2028. Oras na mabuksan, maglalagay rito ng nasa 200 hemodialysis machines na may kapasidad na makapagserbisyo sa mahigit 600 pasyente kada araw. Makikita rin sa plano ng pasilidad ang mga nakatalagang dialysis processing room, recovery room, at conference room.
Samantala, inaasahan namang matatapos at magiging operational ang ilang bahagi ng gusali ng Philippine Cancer Center bago bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang agad nang mapakinabangan ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang serbisyong medikal.