Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga lisensyadong gun owner na pairalin ang disiplina at pagpipigil matapos bawiin ang lahat ng 7 lisensya ng baril ng isang vlogger. Ito’y matapos mag-viral sa social media ang video ng naturang social media influencer dahil sa pagpapaputok ng kaniyang baril patungo sa isang palaisdaan sa Pampanga.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang pagmamay-ari ng mga baril o armas ay may kaakibat na pananagutan na itaguyod ang batas at kaligtasan ng publiko. Hindi aniya hahayaan ng PNP ang sinuman na magsawalang-bahala sa pananagutang iniatang sa kanila bilang mga gun owner at sila’y mahaharap sa kaukulang asunto sang-ayon sa mga umiiral na batas.
Una rito, binawi ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang 7 lisensya ng baril ng naturang vlogger matapos kumalat online ang video na nagpapakita ng walang pakundangang pagpapaputok ng baril sa isang palaisdaan. Binigyang-diin ni Nartatez na hindi dapat ituring kailanman ang pagmamay-ari ng baril bilang isang uri ng libangan o paraan upang makakuha ng atensyon ng publiko.
Kasabay nito, kinilala rin ng PNP ang dalawa pang indibidwal na makikita sa video, kabilang ang taong nagrekord ng insidente, at maaari silang sampahan ng kaso depende sa kanilang naging partisipasyon, lalo na kung sila ay mga lisensyadong may-ari ng baril.