Suportado ng isang mambabatas ang hakbang ng Department of Agriculture na pansamantalang ipagbawal ang pag-angkat ng ilang uri ng karneng baboy upang matulungan ang lokal na industriya.
Ayon kay Abra Lone District Representative JB Bernos, umabot sa halos P28 billion ang pagkalugi ng lokal na hog industry sa unang pitong buwan ng 2026 dahil sa patuloy na pagbaba ng farmgate prices.
Sa ilalim ng Department Order 33, nagpatupad ang DA ng 60-day quantitative restriction sa pag-angkat ng siyam na uri ng pork products bilang pansamantalang safeguard measure.
Batay sa imbestigasyon ng ahensya, umakyat sa mahigit 836 thousand metric tons ang pork imports noong 2025, mula sa mahigit 589 thousand metric tons noong 2023.
Dahil dito, bumaba sa 65.5 percent ang self-sufficiency ratio ng bansa sa karne ng baboy noong 2025, mula sa 74.3 percent noong 2021.
Gayunman, iginiit ni Bernos na kailangang tiyakin ng DA na sapat pa rin ang suplay ng baboy at magpatupad ng karagdagang hakbang upang hindi maapektuhan ang mga mamimili.
Hinimok din niya ang ahensya na mahigpit na bantayan ang presyo sa merkado upang maiwasan ang hoarding at mapagsamantalang pagtataas ng presyo habang umiiral ang import ban.