Binigyang-diin ni Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz ang kahalagahan ng paglahok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting (AELM) sa Shenzhen, China, upang maitaguyod ang pambansang interes ng Pilipinas at mapalakas ang pakikipag-ugnayang pang-ekonomiko sa iba pang kasaping ekonomiya.
Ani FlorCruz mahalagang personal na makilahok ang Pangulo sa mga talakayan ng mga lider ng APEC upang mailahad ang mga prayoridad at interes ng Pilipinas, gayundin ang mga oportunidad na maaaring magbukas ng mas malawak na kooperasyon sa rehiyon.
Ayon sa embahador, kabilang sa mga pangunahing isusulong ng Pilipinas sa naturang pulong ang pagpapaunlad ng imprastraktura, pagpapalawak ng paggamit ng renewable energy, pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, pagsusulong ng turismo at pagpapalalim ng ugnayan ng mga mamamayan sa iba’t ibang kasaping ekonomiya.
Partikular ding tinalakay ni FlorCruz ang mga posibilidad na higit pang palalimin ang ugnayang pang-ekonomiko ng Pilipinas at China, lalo na sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, renewable energy at pagpapaunlad ng mga teknikal na kasanayan ng mga manggagawa.
Ayon sa kanya, may mga pagkakataon pang mapalawak ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa mga naturang sektor na maaaring magbigay ng kapakinabangan sa kani-kanilang ekonomiya at mamamayan.
Gayunman, nilinaw ng embahador na nananatiling matatag ang posisyon ng Pilipinas sa pagtatanggol sa soberanya at mga karapatang teritoryal nito.
Binigyang-diin niyang hindi nangangahulugan ang pagpapatuloy ng pakikipag-ugnayan sa China na isinasantabi ng Pilipinas ang paninindigan nito sa mga usaping may kinalaman sa teritoryo at soberanya.
Sa halip, patuloy na isinusulong ng bansa ang konstruktibong pakikipag-ugnayan sa China sa iba pang mga larangang kapwa kapaki-pakinabang, kabilang ang edukasyon at pagpapalitan ng kultura.
“Kaya mahalaga po na kasama tayo sa usapan, na ang ating Pangulo ay kasama sa table, sa discussion. Dito po nailalatag ‘yung kani-kaniyang national interest,” ayon kay FlorCruz.
Ipinapakita nito ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng Pilipinas sa mga pandaigdigang talakayan upang maipahayag ang sariling paninindigan, mapangalagaan ang pambansang interes at matukoy ang mga posibleng larangan ng kooperasyon sa iba pang mga bansa.
Sa pamamagitan ng APEC, nabibigyan ang Pilipinas ng pagkakataong makipag-ugnayan sa mga lider ng rehiyon hinggil sa mga usaping pang-ekonomiya at maglatag ng mga hakbang na maaaring magpalakas sa kalakalan, pamumuhunan at paglikha ng trabaho. Umaasa ang pamahalaan na ang mga talakayan at ugnayang mabubuo sa naturang pagpupulong ay magbubunga ng mas maraming oportunidad para sa ekonomiya at mamamayang Pilipino, kasabay ng patuloy na pagtataguyod sa soberanya at pambansang interes ng bansa.