Naghain ang iba’t ibang pamahalaan ng mahigit 250 bagong pledges upang labanan ang karahasan laban sa mga kabataan, ayon sa opisyal ng World Health Organization (WHO).
Sa isang press briefing sa sidelines ng 2nd Global Ministerial Conference on Ending Violence Against Children, inihayag ni WHO Department for Social Determinants of Health Director Dr. Etienne Krug ang tagumpay na ito sa pag-akit ng mga konkretong hakbang mula sa iba’t ibang bansa.
Binigyang-diin ni Krug na mahigpit na babantayan at susubaybayan ng WHO ang implementasyon ng mga pangakong ito.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ay ang pagpapalawak at pagpapatupad ng INSPIRE prevention framework, pati na rin ang pagtugon sa mga tumataas na banta at panganib sa proteksyon ng mga bata sa panahon ng mga kalamidad na may kaugnayan sa klima.
Bukod sa mga pamahalaan, nanawagan din si Krug sa mga tech company na magsagawa ng direktang responsibilidad sa pagprotekta sa mga bata mula sa karahasan at pang-aabuso online, lalo na sa gitna ng mabilis na paglaganap ng artificial intelligence at social media.