Nagpaalala ang Department of Health o DOH sa mga buntis na mag-ingat sa matinding init at tagtuyot na dulot ng El Niño dahil sa posibleng komplikasyon nito sa kanilang pagbubuntis.
Ayon sa DOH, maaaring tumaas ang panganib ng premature birth o maagang panganganak, pagkamatay ng sanggol sa sinapupunan at iba pang komplikasyon kapag nalantad ang mga buntis sa matinding init.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga buntis na uminom ng sapat at madalas na tubig upang maiwasan ang dehydration.
Mahalaga ring magpahinga sa malamig at preskong lugar at iwasan ang matagal na pagkakalantad sa matinding sikat ng araw.
Hinihikayat din ng DOH ang mga buntis na regular na magpa-prenatal check-up sa pinakamalapit na health center upang mabantayan ang kanilang kalusugan at kalagayan ng sanggol.