Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Pilipinong hinihinalang nabiktima ng illegal recruitment para sa mga trabaho sa Armenia.
Ayon sa BI, naharang ang mga pasahero noong November 6 sa NAIA Terminal 3 habang patungo sana sa Hong Kong.
Una nilang sinabing magbabakasyon lamang sila ngunit kalaunan ay inaming sa Armenia talaga sila pupunta para magtrabaho bilang hotel cleaners at janitors na may alok na 40,000 hanggang 50,000 pisong buwanang sahod.
Nagbayad umano sila ng 27,000 hanggang 160,000 piso para sa mga dokumento, visa at tiket.
Natuklasan ding inutusan sila ng recruiter na itago ang tunay nilang destinasyon at magbigay ng mga inihandang sagot sa immigration officers.
Isinailalim na ang anim sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri at tulong. Nagpaalala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado na tiyaking lehitimo ang mga recruiter at alok na trabaho bago magbayad.