Photo courtesy of Senate of the Philippines
Lumabas sa pinakahuling survey ng Tangere na mas mataas ang suporta kay Senador Paolo Benigno Bam Aquino IV kumpara kay Senador Ana Theresia Risa Hontiveros sa ilang posibleng labanan sa pagkapangulo sa 2028 elections.
Sa survey na isinagawa noong November 10 hanggang 13, 2026 sa 1,800 respondents, nakakuha si Aquino ng 39 percent laban sa 31 percent ni Senador Robin Padilla.
Samantala, 25 percent lamang ang nakuha ni Hontiveros laban sa 35 percent ni Padilla sa hiwalay na matchup.
Sa three-way presidential race, nanguna rin si Aquino sa 34 percent, kasunod si Senador Christopher Bong Go sa 33 percent at Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa 10 percent.
Pero nang si Hontiveros ang isinama sa parehong senaryo, nanguna si Go sa 39 percent laban sa 23 percent ni Hontiveros.
Ayon sa Tangere, nasa 70 hanggang 80 percent ng dating mga tagasuporta ni dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Maria Leonor Leni Robredo ang pumili kay Aquino, kumpara sa 50 hanggang 60 percent na pumili kay Hontiveros.
Nabatid na isinagawa ang survey matapos ihayag ni Robredo na hindi siya tatakbo sa anumang pambansang posisyon sa 2028.