Isinailalim na ng Department of Health o DOH sa standardization ang mga protocol sa kabuuang 137 Child Protection Units o CPUs sa mga ospital sa buong bansa.
Kasabay nito, isinama na rin ang early mental health and abuse detection sa YAKAP primary care program ng PhilHealth.
Sa isinagawang sideline press briefing sa 2nd Global Ministerial Conference on Ending Violence Against Children, sinabi ni Health Secretary Edwin Mercado na layunin ng hakbang na ito na tiyakin ang mas mabilis, epektibo, at pare-parehong pagtugon sa mga kaso ng pang-aabuso at karahasan laban sa mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kapasidad ng mga ospital at mga CPU.
Bukod dito, binigyang-diin din ng kalihim na pinatitibay ng sektor ng kalusugan ang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya at ang kahandaan ng mga ospital upang protektahan ang mga mahihinang kabataan laban sa tumataas na banta ng pagsasamantala sa panahon ng mga kalamidad na may kaugnayan sa klima at El Niño.
Ang komprehensibong hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na paninindigan ng pamahalaan na bigyan ng ligtas at mapagkalingang kapaligiran ang bawat batang Pilipino laban sa anumang uri ng karahasan.