Photo courtesy of Rep. Brian Yamsuan FB
Hinimok ni Parañaque Second District Representative Brian Yamsuan ang Kongreso na madaliin ang pagpasa sa panukalang batas na magpoprotekta sa padalang pera o remittance ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) laban sa napakataas na service fees at mga nakatagong singilin.
Ayon kay Yamsuan, malaking tulong sa mga pamilya ng OFW kung magtatakda ng limitasyon sa singil sa remittance.
Batay sa pinakahuling ulat ng World Bank, umaabot sa mahigit anim na porsyento ang global average cost ng pagpapadala ng dalawandaang dolyar, at halos labinlimang porsyento naman kung sa bangko dadaan.
Sa ilalim ng inihaing House Bill 8615 o ang OFWs Remittance Protection Act ni Yamsuan, inaatasan ang Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Department of Migrant Workers (DMW) na magtakda ng pinakamababang singil sa remittance at ipagbawal ang biglaang pagtataas nito nang walang abiso at pahintulot ng gobyerno.
Kasama rin sa panukala ang libreng financial literacy education para sa mga OFW at kanilang pamilya, pati na ang mabigat na parusa sa mga lalabag na remittance centers. Giit ni Yamsuan, malaki ang ambag ng mga OFW sa ekonomiya kaya’t nararapat lamang na pagaanin ang kanilang pasanin, lalo’t inaasahang tataas na naman ang kanilang mga padala ngayong papasok na buwan ng Disyembre.