Dinepenshan ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre, Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, ang pagsusuri sa mga mamahaling transaksyon ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Ayon kay Acidre bahagi ito ng legal na pamantayan para sa mga opisyal ng gobyerno at kanilang pamilya.
Ayon kay Acidre, ang mga katanungan hinggil sa malalaking gastusin na inilabas sa impeachment trial ay dapat suriin alinsunod sa batas, ito man ay ginastos para sa kawanggawa o pagsuporta sa mga batang atleta.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, inaatasan ang mga opisyal ng gobyerno at ang kanilang mga pamilya na mamuhay nang simple at naaayon sa kanilang posisyon at kita, at ipinagbabawal ang marangya o labis na pagpapakita ng yaman.
Nag-ugat ang usapin nang tutulan ni Senador Pia Cayetano ang mga pahiwatig na tila pinipigilan ang mga magulang o mga indibidwal na may kakayahang pinansyal na suportahan ang mga batang atleta dahil lamang may miyembro ng kanilang pamilya na nasa posisyon sa gobyerno.
Iginiit naman ni Acidre na ang pagsisiyasat ng prosekusyon ay nakatuon sa kung naaayon ba ang mga naiulat na gastusin sa kanilang kapasidad sa pananalapi. Dagdag pa ng mambabatas, ang impeachment court na ang magpapasya sa huli kung ano ang bigat ng mga nasabing gastusin at kung maituturing ba itong marangyang paggastos sa ilalim ng mga pamantayang itinakda para sa mga opisyal ng pamahalaan at kanilang mga pamilya.