Isinasapinal na ng Philippine National Police (PNP) ang mga kasong isasampa nito laban kay Vice President Sara Duterte at mga tauhan nito.
Kaugnay iyan sa nangyaring insidente sa House of Representatives (HoR) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC) nitong weekend kasunod ng pagkakadetine sa Vice Presidential Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, kasalukuyang nire-review ng Criminal Investigation and Detection Group ang isasampang kaso batay sa umiiral na batas.
Si Lopez ay na-cite for comtempt ng House Committee on Good Government and Public Accountability dahil sa hindi nito pagsasabi ng totoo kaugnay sa paggamit ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo.
Kabilang sa mga kahaharaping kaso ng Pangalawang Pangulo ay ang paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code for Resistance and Disobedience to a Person in Authority bukod pa rito ang criminal administrative offenses.
Hiniling na rin ng Gen. Marbil kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr, ang pangalan ng mga miyembro ng VPSPG na tumulong sa umano’y sapilitang paglilipat kay Atty. Lopez patungo sa St. Luke’s Medical Center gamit ang isang private ambulance.
Sa kumalat na video, sinabi ni Marbil na makikita si VPSPG head Col. Raymund Dante Lachica na sinasabing nanulak at nanakit sa PNP doctor-in-charge, na posibleng mauwi sa kasong direct assault.
Tiniyak ng Marbil sa publiko na magiging maingat at patas sila sa imbestigasyon, at ang mga ebidensyang kanilang makakalap ay magsisilbing batayan para sa mga angkop na kasong isasampa sa mga sangkot. | ulat ni Jaymark Dagala