Iginiit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. na dapat mangibabaw ang propesyonalismo sa hanay ng militar.
Ito’y sa kabila na rin ng ingay sa politika gayundin ang paghimok sa mga sundalo na talikuran ang kasalukuyang administrasyon.
Sa isinagawang Leadership Summit sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni Brawner na ang tanging trabaho ng mga sundalo ay protektahan ang Pilipinas, ang teritoryo nito, gayundin ang mga Pilipino at karapatan ng mga ito.
Binigyang-diin pa ng AFP chief na wala nang puwang sa panahong ito ang mga pag-aaklas na isang aral na lamang ng nakalipas.
Kasunod nito, hayagang tinabla ni Brawner ang panawagan ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo na talikuran na ang kanilang kasalukuyang Commander-in-Chief.
Sa sandaling may mga sundalo na nais sumawsaw sa pulitika, hinamon sila ng AFP chief na maghubad na lamang ng uniporme. | ulat ni Jaymark Dagala