Malaki raw ang naitulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development sa pagpapababa sa mga insidente ng child labor sa bansa.
Ayon kay 4Ps National Program Manager Director Gemma Gabuya, layunin ng programa ang mapanatili ang mga kabataang benepisyaryo na makapagtapos ng edukasyon at maiayos ang kanilang kalusugan.
Sa ilalim ng 4Ps program, ang household beneficiary ay nakakatanggap ng monthly grants na P300 hanggang P700 bawat bata para sa educational expenses, P750 para naman sa health and nutrition, at P600 para sa rice subsidies.
Nakasaad din sa probisyon ng 4Ps na ang mga children beneficiary na may edad 3 hanggang edad 18 ay dapat na nag-aaral at naka-enroll sa kindergarten, elementary, o high school.
Mayroon ding attendance rate na 85% ang dapat na sundin upang matiyak na pumapasok sa eskuwelahan ang mga batang estudyante at makatanggap ng cash grant.
Batay sa report, nakapagtala ang 4Ps National Program Management Office (NPMO) ng 95% compliance rate sa taong 2023 para sa mga batang edad 6 hanggang edad 18 na pawang sumusunod sa patakaran para sa edukasyon.| ulat ni Rey Ferrer