Hiniling ni Quad Committee overall chair Robert Ace Barbers sa National Bureau of Investigation na tukuyin, imbestigahan at kasuhan ang mga vloggers na nagpapakalat ng fake news.
Una nang isiniwalat ni Barbers sa ika-12 pag-dinig ng komite na may mga POGO at illegal drug syndicates na nagpopondo ng mga vloggers para magpakalat ng kasinungalingan at siraan ang kredibilidad ng imbestigasyon na kanilang ginagawa nila.
Sabi ng Surigao del Norte solon, handa naman nila tanggapin ang mga kritisismo ngunit hindi aniya nila kukunsintihin ang mga gumagawa ng pekeng balita at ipinapakalat sa iba’t ibang social media platforms.
“Very obvious na well-organized at bayaran ang mga vloggers na ito na gustong sirain ang pangalan ko, ng kapatid ko, at mga Quadcom members. Sabi nila, ito yung mga bayarang grupo ng tagapagkalat ng kasinungalingan. Siguro nasasaktan na ang kanilang mga employers na POGO operators at drug lords dahil sa patuloy na Quadcom investigations,” saad niya.
Pormal nang lumiham si Barbers kay NBI chief Atty. Jaime Santiago para masiyasat ang ginagawang misinformation ng naturang mga vloggers.
Kalakip ng liham na ipinadala noong November 25 ang mga ebidensya gaya ng mga malisyosong vlogs na ang ilan ay mula pa probinsya.
Isa na rito ang pekeng ukat tungkol sa pagkakasangkot niya at ng kapatid na si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers sa droga na pinasinungalingan na mismo ng PDEA.
Kabilang sa mga kasong maaaring kaharapin ng mga may sala ang paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Subject to the appreciation of your good office, these charges may include the crimes of Libel (Art. 353 RPC), Sedition (Art. 139 RPC), Conspiracy to Commit Sedition (Art. 142 of RPC). Incriminating Innocent Person Act (Art. 363 RPC) and Intriguing Against Honor (Art. 364 RPC) – all in relation to Sec. 6 of the Cybercrime Prevention Act,” sabi niya sa liham.