Agad tinapalan ng aspalto ang mga bako-bakong bahagi ng Panguil Bay Bridge sa Northern Mindanao na proyekto ng Duterte administration sa ilalim ng kanyang Build, Build, Build.
Ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista na dadaan sa nasabing tulay.
Sa kuha ng ilang netizens kamakailan, malalim na bako-bakong aspalto ang naranasan ng mga motorista sa halos tatlong buwan pa lamang na nagagamit na tulay.
Pero nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi apektado ng bako-bakong asphalt overlay ang istruktura ng tulay.
Sa report ni DPWH Unified Project Management Office – Roads Management Cluster 2 Project Director Teresita Bauzon kay Secretary Manuel Bonoan, nasira ang asphalt pavement dahil sa panay-panay na ulan sa lugar at dinaanan pa ng mga malalaking truck na overload.
Kaya naman maghihigpit ang DPWH sa mga overloaded na sasakyan na dadaan sa Panguil Bay Bridge upang maprotektahan ang kalidad nito.
Maglalagay na raw ang DPWH ng portable weighing scales malapit sa tulay upang timbangin muna ang mga sasakyan bago payagan na gumamit nito.
Aabot lamang dapat sa 30 tons ang capacity ng tulay pero maraming mga motorista ang naging pasaway kung kayat mabilis na nasira ang aspalto sa ibabaw nito.
Ang Panguil Bay Bridge na may habang 3.17 kilometers ay ipinagamit sa mga motorista nitong September 27, 2024 matapos ang ilang taon na konstruksyon.
Ang Panguil Bay Bridge ay nagdudugtong sa Tangub City, Misamis Occidental, at Tubod, Lanao del Norte kung saan inaasahang magpapalago ito sa ekonomiya sa nasabing rehiyon. | ulat ni Mike Rogas