Sa kabila ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Kanlaon, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), na hindi pa kailangan itaas ang alerto nito sa Level 4 sa ngayon.
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang posible ang hazardous eruption sa loob ng ilang linggo.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na patuloy nilang susuriin ang sitwasyon sa araw-araw upang matukoy kung kinakailangan ang pagbabago sa alert level.
Batay sa datos ng Phivolcs, na-obserbahan na tumaas ang volcanic earthquakes at sulfur dioxide emission mula noong pumutok ang bulkan noong December 9.
Nanatili namang mahigpit ang pagbabantay ng PHIVOLCS sa aktibidad ng bulkan upang masigurong handa ang mga awtoridad at residente sakaling lumala ang sitwasyon. | ulat ni Diane Lear