Nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa territorial at internal defense operations ng Pilipinas matapos ang National Peace and Order Council (NPOC) meeting sa Camp Crame.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, binigyang-pansin ng Pangulo ang sitwasyon sa West Philippine Sea at ang kampanya laban sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa harap ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., pinaalalahanan ng Pangulo ang militar at iba pang bahagi ng security sector na iwasan ang mga aksyong magpapataas ng tensyon sa West Philippine Sea.
Iginiit pa ng Pangulo na diplomasya at mapayapang paraan ang dapat gamitin para resolbahin ang hidwaan sa karagatan.
Samantala, hiniling din ng Pangulo sa PNP na paigtingin ang operasyon laban sa mga ilegal na POGO bago matapos ang taon.
Nababahala ang Pangulo na maaaring kasing magpanggap ang mga POGO at magtago bilang maliliit na internet gaming licensees sa mga call center, subdivision, at komunidad.
Gayunpaman, naniniwala ang Pangulo na hindi makakalusot ang mga ito sa pagbabantay ng mga lokal na pamahalaan. | ulat ni Dianne Lear