Nagkakaisa ang Philippine National Police (PNP) sa pagtupad nito sa kanilang misyon na paglingkuran at protektahan ang mga Pilipino.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil kasunod ng mga ibinigay na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang pangunahan nito ang ikatlong Command Conference ng PNP sa Kampo Crame, kahapon.
Kabilang ani Marbil sa mga binigyang direktiba ng Pangulo ay ang pagsasaprayoridad ng child protection, cybercrime training, at ang seguridad sa papalapit na Halalan.
Ayon aniya sa Pangulo, walang hihigit pang krimen sa pang-aabuso sa mga kabataan kaya’t dapat paigtingin pa ng mga pulis ang ginagawa nitong mga hakbang, upang protektahan ang mga kabataan mula sa ano mang uri ng exploitation at abuse.
Nakaangkla aniya ito sa commitment ng pamahalaan na bantayan ang vulnerable sector sa lipunan.
Magugunitang bukod dito, pinatututukan din ng Pangulo sa PNP ang bagong istratehiya nito sa kampanya kontra iligal na droga gayundin ang latag ng seguridad ngayong kapaskuhan. | ulat ni Jaymark Dagala