Nagtalaga na rin ng lugar ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Negros para sa mga inilikas na hayop na apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon .
Ayon sa DSWD-Western Visayas, matatagpuan ang designated livestock area sa open space ng La Castellana Elementary School sa La Castellana, Negros Occidental.
Dito, maaaring dalhin ng mga displaced farmer ang kanilang mga alagang hayop mula sa barangay ng Masulog at Cabagna-an.
May siyam na magsasaka ang naglikas na ng kanilang mga alagang hayop at dinala sa livestock area.
Tinutugunan na rin ng Office of Municipal Agriculture ang mga hayop na nakakaranas ng mga sintomas ng sakit sa paghinga at malnutrisyon.
Resulta umano ito ng kamakailang pagsabog ng bulkan.
Inako ng lokal na pamahalaan ang responsibilidad sa pagbibigay ng sapat na pasilidad at pagkain sa mga hayop hangga’t hindi pa sila ligtas na maibalik sa pinanggalingang lugar.| ulat ni Rey Ferrer