Nakahanda ang Bureau of Corrections (BuCor) sa pagdating ni Mary Jane Veloso sa Correctional Institution for Women (CIW).
Sa katunayan, mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa paligid ng piitan at hindi muna pinapasok ang mga miyembro ng media na magcocover sa pagdating ni Mary Jane.
Walang media coverage ang pinayagan sa pagdating ni Mary Jane sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 upang hindi mabalam ang operasyon ng paliparan ngayong Holiday Season.
Ayon naman kay BuCor Director, Gregorio Pio Catapang, hindi poposasan at susuotan ng bullet proof vest si Mary Jane pagdating nito sa bansa.
Sa halip aniyang posas ay rosas ang dapat ibigay kay Mary Jane dahil wala namang indikasyon ng pagtakas nito at sa katunayan aniya ay sabik na itong umuwi ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala