Nagsampa na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kaso laban sa lalaking nang-hostage ng kanyang live-in partner at mga anak sa Taguig City.
Ayon kay NCRPO Acting Chief Police Brigadier General Anthony Aberin, kakasuhan ang suspek na kinilalang si alyas Raymond, 28 taong gulang ng illegal detention, direct assault, alarms and scandals, at paglabag sa unlawful possession of bladed, pointed, or blunt weapons.
Batay sa ulat ng NCRPO, nangyari ang insidente bandang 7:45 ng umaga kahapon (December 19) sa Sta. Maria Drive, Mañalac Ave., Barangay Bagumbayan matapos humiling ng pera para sa alak ang suspek sa kanyang kinakasama. Nang hindi ito napagbigyan ay pinagbubugbog nito ang kaniyang live-in partner.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga awtoridad at matagumpay na naaresto ng SWAT team ang suspek.
Sa ngayon, isinasailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office. | ulat ni Diane Lear