Bukod sa walang patid na buhos ng family food packs, tuloy-tuloy na rin ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng financial assistance sa mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Sa pangunguna ng DSWD Field Office 7, aabot sa 1,739 pamilyang inilikas ang nakatanggap ng cash aid kamakailan.
Ang bawat pamilyang ito ay nananatili sa evacuation centers sa Camps 1- 4 sa Canlaon City, Negros Oriental.
Tumanggap ang mga ito ng tig-₱3,000 ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Layon ng tulong-pinansyal na ito na maibsan ang pasanin ng mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa pag-aalburoto ng bulkan.
Patuloy ring nagsisilbing social safety net ang AICS program upang matiyak na ang mga ‘vulnerable’ na mamamayan ay makatanggap ng agarang suporta sa panahon ng krisis. | ulat ni Merry Ann Bastasa