Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang na gabayang maigi ang kanilang mga anak mula sa paggamit ng mga paputok at pailaw sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Ang paalala ay ginawa ng PNP kasunod na rin ng babala ng Department of Health (DoH) hinggil sa peligrong dulot ng mga iligal na paputok lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo, karamihan kasi sa mga naitatala nilang biktima ng mga paputok ay pawang mga kabataan lalo na iyong mga paslit pa.
Kalimitang nabibiktima ang mga ito ng watusi, piccolo, baby rocket at iba pa na lubhang mapanganib lalo na kung ito’y magagamit ng mga kaataan.
Samantala, hinimok naman ng PNP ang publiko na kung maaari ay iwasan na lamang ang paggamit ng paputok at salubungin ang Pasko gayundin ang Bagong Taon sa ligtas na paraan. | ulat ni Jaymark Dagala