Umapila ang Philippine National Police (PNP) sa publiko lalo na sa mga bakasyunista na huwag magpost sa social media ng “real time” situation.
Ito ang paalala ng PNP kasunod na rin ng inaasahang dagsa ng mga uuwi sa mga lalawigan para doon magdiwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo, ginawa nila ang apila upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga kawatan na makasalisi sa mga iiwanang bahay ng mga magsisipagbakasyon sa panahong ito.
Dahil aniya sa makabagong teknolohiya, updated na rin ang iligal na gawain ng mga kawatan kung saan, matamang nakatutok sila sa aktibidad ng publiko para doon maghanap ng kanilang mabibiktima.
Pinayuhan din ni Fajardo ang publiko lalo na iyong mga sasakay ng eroplano na huwag ding i-post sa social media ang kanilang airline ticket.
Mainam aniya na gawing practice ang “late upload” o late posting para iwas disgrasya. | ulat ni Jaymark Dagala