Nagpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang tauhan mula sa Highway Patrol Group (HPG) sa Rolando Andaya Highway, Camarines Sur upang pamahalaan ang trapiko sa lugar.
Ito ay kasunod ng nararanasang matinding trapiko dulot ng road repairs at masamang panahon.
Ayon sa PNP, ipinatupad ng PNP-HPG ang 30-minute interval kung saan halinhinang dumadaan ang mga sasakyan mula sa magkabilang direksyon.
Tumulong din ang mga pulis sa pagbabantay ng mga kagamitan ng Department of Public Works and Highways na ginagamit sa rehabilitasyon ng kalsada.
Binuksan din ang mga alternatibong ruta para sa mga light vehicle tulad ng Sipocot-Camarines Norte at Sta. Elena-Capalonga-Daet-Camarines Norte.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, nabawasan ang mabigat na trapiko sa naturang kalsada dahil sa mga hakbang na ito. Pinuri rin niya ang dedeikasyon at serbisyo ng mga pulis sa lugar. | ulat ni Diane Lear