Patuloy na nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa publiko lalo na sa mga residente nito na mag-doble ingat kontra COVID-19.
Ito’y kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng nahahawaan ng COVID-19 sa nakalipas na higit dalawang linggo.
Sa inilabas na datos ng Manila Health Department, nasa 260 na ang aktibong kaso matapos makapagtala ng 33 bagong kaso.
Pinakamataas ang bilang ng positibong kaso ay sa bahagi ng Tondo-1 na nasa 46 ang aktibong kaso, sunod ang ang Sampaloc na nasa 43 habang 30 naman sa Tondo-2.
Sa kabila nito, nasa 123,758 naman ang bilang ng nakarekober habang nananatili sa 2,070 ang bilang ng namatay sa COVID-19.
Bukod sa panawagan na mag-ingat, patuloy pa rin ang panghihikayat ng lokal na pamahalaan ng Maynila na magpabakuna na o magpa-booster shot upang kahit papaano ay maging ligtas sa nasabing sakit.
Hinihikayat rin ang lahat na magsuot ng face mask sa mga kulob na lugar at sa mga pampublikong transportasyon upang maiwasan ang nasabing sakit. | ulat ni Lorenz Tanjoco