Mas maghihigpit na ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa pagpapataw nito ng penalty sa dalawang water concessionaires tuwing mabibigo sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga konsyumer.
Kasunod ito sa naging paglagda kamakailan sa revised concession agreement na layong bigyan ng pangil ang kasunduan upang hindi maagrabyado ang mga konsyumer.
Kabilang sa nakapaloob rito ang non-revenue water service na tumutukoy sa nasasayang na tubig tuwing may leak o illegal connections na siyang magiging obligasyon na ng concessionaires.
Sa ilalim din nito, pinaikli sa 3 araw mula sa 15 araw na maaaring magpatupad ang mga concessionaire ng kanilang water service interruption.
Sakaling mabigo ang mga ito sa kanilang obligasyon, magpapataw ang MWSS ng multa sa bawat araw na may water service interruptions.
Ayon sa MWSS, layon ng hakbang na pagbutihin pa ng mga Manila Water at Maynilad ang kanilang serbisyo para sa mga customer.
Tinatarget naman ng ahensya na maipatupad ang naturang RCA sa Hunyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa