Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit P43 milyong halaga ng electronic products, sa isinagawang raid sa Meycauayan City, Bulacan.
Kinilala ang isa sa apat na naarestong suspek na si Chi Ho, may-ari ng Hot Screen Electric Corporation, na matatagpuan sa Sterling Industrial Park, Barangay Libtong.
Ayon kay CIDG Acting Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, isinagawa ang operasyon ng Miyerkules, February 5, matapos makakuha ng search warrant mula sa Regional Trial Court ng Capas, Tarlac dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines.
Nakumpiska sa lugar ang mahigit 3,000 smart TV units ng iba’t ibang brand, kasama ang mga TV parts, monitors, at iba pang electronics na nagkakahalaga ng mahigit P43 milyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines dahil sa paggawa at pagbebenta ng mga produktong hindi sumusunod sa kalidad at pamantayan ng batas.
Tiniyak naman ng CIDG na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain. | ulat ni Diane Lear
CIDG