Tiniyak ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang “digitalization” ng PNP alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing fully automated ang mga transaksyon sa gobyerno.
Iniulat ng PNP Chief sa kanyang lingguhang press conference ngayong umaga na binuksan ng PNP nitong weekend ang isa pang satellite office sa Laguna na mag-iisyu ng National Police Clearance na kailangan sa local employment, government transactions, at iba pang lisensya at permit.
Ayon kay Gen. Acorda, ang National Police Clearance System ay nag-ooperate sa fully digital format, kaya wala na ang maabalang proseso sa dating mano-manong sistema.
Katulad aniya sa National Police Clearance System, ipinatupad na rin ng PNP ang automation sa pag-isyu ng License to Own and Possess Firearms ng Civil Security Group, hanggang sa lebel ng Police Regional Offices.
Dagdag ng PNP Chief, nakikiisa ang PNP sa paggunita ng Information and Communications Technology (ICT) Month ngayong Hunyo, bilang pakikiiisa sa bisyon ng Pangulo na makamit ang 95% digitalization sa lahat ng aplikasyon ng gobyerno at pribadong sektor. | ulat ni Leo Sarne