Nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang isasara sa mga motorista ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila, upang bigyang-daan ang paggunita sa Araw ng Kalayaan o Independence Day.
Ayon sa MMDA, isasara ang magkabilang linya ng Roxas Boulevard mula T.M. Kalaw hanggang P. Burgos simula 5AM hanggang 10AM sa June 12, para sa flag raising ceremony.
Isasara rin ang Katigbak Parkway, South Road at Independence Road mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-10 ng gabi upang magbigay-daan sa civic military parade.
Ang mga apektadong truck na patungo sa North Harbor ay inaabisuhan na mag-reroute mula SLEX diretso sa Osmeña Highway, kanan sa Quirino Avenue, diretso sa Nagtahan Street hanggang Lacson Avenue, kaliwa sa Yuseco Street, diretso sa Capulong Street at kumaliwa o kumanan sa R-10 patungo sa destinasyon.
Samantala, ang mga manggagaling naman sa Parañaque City at sa south-bound ay kakanan sa Quirino Avenue patungo sa Nagtahan at Lacson Avenue hanggang sa destinasyon.
Kaugnay nito, magpapakalat ang MMDA ng traffic enforcers upang tumulong sa pagsasaayos ng trapiko, tow trucks, ambulansya, at vacuum truck habang maglalatag din ng concrete at plastic barriers at traffic cones. | ulat ni Hajji Kaamiño