Pinaghahandaan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal sa Batangas at Bulkang Mayon sa Albay.
Inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga Field Office nito sa Southern Tagalog at Bicol region, na maging alerto sa gitna ng pag-aalburoto ng dalawang bulkan.
Pinasisiguro ng kalihim na may sapat na stockpile ng family food packs, at sapat na standby funds sakaling kailanganin nang magsagawa ng relief efforts.
Nais ni Gatchalian, na gamitin ang mga datos sa nagdaang pagsabog ng mga naturang bulkan sa pagdetermina ng dami ng kinakailangang mahatiran ng tulong.
Nauna nang itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 2 ang estado ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ito ay matapos makapagtala ang PHIVOLCS ng ‘increasing unrest’ sa bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, mula pa noong huling linggo ng Abril ay na-monitor na ang pagtaas ng rockfall events mula sa Mayon Volcano lava dome. | ulat ni Rey Ferrer