Magpapatupad ng malaking pagbabago ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa magiging latag ng seguridad sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 24.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr., taliwas sa mga naging template ng kanilang security preparations sa mga nakalipas na SONA ng mga nagdaang pangulo ng bansa.
Hindi aniya tulad ng nakalipas na SONA, sinabi ni Acorda na hindi sila gagamit ng malaking puwersa kaya’t nakatitiyak ito na hindi magiging overkill ang kanilang paghahanda, at wala ring malalabag na karapatang pantao.
Sa panig naman ng PNP Human Rights Affairs Office, sinabi ng pinuno nitong si Polcie Brigadier General Limuel Obon, na hindi rin sila maglalagay ng concrete barrier sa kahabaan ng Commonwealth Avenue patungong Batasan Complex.
Katunayan aniya, nakipagpulong kahapon si Obon sa Commission on Human Rights para isapinal ang mga paghahanda para sa ikalawang pag-uulat sa bayan ng pangulo. | ulat ni Jaymark Dagala