Inatasan ni QCPD Chief PCol. Melecio Buslig Jr. ang hanay nito na paigtingin ang hot-pursuit operation laban sa suspek na namaril sa isang rider na nagmagandang loob na tumulong sa MMDA.
Kasunod ito ng insidente noong Mar. 14 kung saan nasawi sa pamamaril ang rider na si Wilmer Caponpon Zara matapos nitong subukang habulin ang rider na sinita ng MMDA sa Quezon City.
Sa isang pahayag, nagpaabot na ng pakikiramay ang QCPD sa mga naulilang pamilya at mahal sa buhay ni Zara.
Sa ngayon, patuloy na umano ang masusing imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang salarin.
Pinasusuri na rin ang CCTV footage para makakalap ng karagdagang ebidensya na makakatulong sa agarang paglutas ng kasong ito.
Kasunod nito, nanawagan ang QCPD sa publiko na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon at agad ipagbigay-alam kung may impormasyon ukol sa insidente. | ulat ni Merry Ann Bastasa