Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na sumasailalim na sa neuro-psychiatric test si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas, ang pulis na nag-post sa social media ng paninira sa pamahalaan, at pagkontra sa nangyaring pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson at Police Regional Offcie 3 Director Police Brigadier General Jean Fajardo, mayroon na umanong history ang pulis ng erratic behavior at mood swing noon pang 2023 kaya’t sumailalim ito sa medication.
Dahil sa mga naging post naman sa social media, minarapat na din masailalim ito sa neuro-psychiatric test.
Bukod pa ito sa isinampang reklamo na inciting to sedition ng pamunuan ng Quezon City Police District, at inihahandang pagsasampa ng kasong administratibo.
Pinag-aaralan na rin ng PNP kung dapat na dis-armahan ang pulis.
Binigyang diin pa ni Fajardo, na mahigpit na ipinagbabawal sa mga pulis ang magpahayag ng kani-kanilang saloobin sa social media lalo na kung ito ay may kinalaman sa pulitika. | ulat ni Diane Lear