Nakahanda ang National Government na tumugon sa mga banta ng sakit at iba pang health concern, ngayong pormal nang idineklara ang panahon ng tag-init.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec Claire Castro, na bagamat mahirap tantsahin ang sitwasyon, nakahanda ang buong pwersa ng pamahalaan na tumugon at magbigay ng tulong sa anumang pangangailangan ng publiko ngayong dry season.
“Minsan may mga factors po talaga na mahirap na i-predict pero ang gobyerno po ay handa po sa mga ganitong klaseng mga pagkakataon at sitwasyon.” -USec Castro.
Una na aniyang naglabas ng memorandum ang Department of Health (DOH) upang magpatupad ng mga hakbang laban sa epekto ng matinding init, gaya ng pagtatatag ng cooling centers at pagtatayo ng mga climate resilient infrastructure na mayroong hydration stations.
“Sinasabi rin po dito ay magkakaroon po ng katulad ng BUCAS (Bagong Urgent Care and Ambulatory Service) centers para po makatulong po sa ating mga kababayan. At magkakaroon din po tayo ng mga public health literacy, establishment of cooling centers, climate resilient health infrastructure that includes hydration stations. So, ito lamang po ay isa sa mga programa na isinasagawa po ng pamahalaan sa tulong na rin po ng DOH.” -USec Castro.
Hinimok din ng opisyal ang mga magulang na pabakunahan ang mga bata, kontra tigdas at iba pang sakit sa “Bakunahan sa Purok ni Juan” na tatagal hanggang sa Biyernes (March 28).
Sa harap na rin ito ng naitalang pagtaas sa kaso ng tigdas sa Metro Manila at banta ng iba pang mga sakit sa kabataan sa tag-init.
“Baka po iyong ibang mga magulang or guardians ay hindi pa po alam na mayroon po tayong “Bakunahan sa Purok ni Juan.” Ito po ha, sabihin ko po iyong mga lugar, punta lamang po sila sa health centers: Caloocan, Quezon City, Taguig, sa Manila, Mandaluyong at Las Piñas. At sa iba pang mga LGUs po ay gagawin po ito sa second quarter of 2025 so punta lamang po kayo sa health centers ngayon para sa pagpapabakuna ng inyong mga anak.” -Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan