Hindi titigil ang Philippine National Police (PNP) sa paglilinis sa kanilang hanay at patuloy nilang itataguyod ang propesyunalismo sa lahat ng pulis, anuman ang kanilang ranggo.
Ito ang binigyang diin ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil kasunod ng pagkakasangkot ng 8 tauhan ng Eastern Police District – Special Operations Unit (EPD-SOU) sa kaso ng HULIDAP sa Las Piñas City.
Kaugnay nito, iniulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, PMGen. Anthony Aberin sa PNP Chief na nasampahan na ng patumpatong na kaso ang mga sangkot na pulis.
Kasalukuyan na aniyang nasa kostudiya ng Las Piñas City Police ang 4 na EPD personnel kung saan, 4 dito ay may ranggong Police Staff Sergeant, 2 ang Corporal habang 2 ang Patrolman.
Ilan sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ay Ilegal arrest, serious illegal detention, kidnapping at robbery matapos na tangayin ang aabot sa 85 milyong pisong halaga ng pera, gold bars at mga mamahaling relo.
Bukod pa aniya ito sa mga kasong administribo gaya ng grave misconduct, conduct unbecoming an officer na siyang magpapatalsik sa kanila sa serbisyo. | ulat ni Jaymark Dagala