Mas pinaigting ng Bureau of Immigration ang pakikipag-ugnayan sa mga local at international law enforcement agencies laban sa mga banyagang sex offender sa bansa sa ilalim ng kampanyang #ShieldKids.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, naaresto noong Abril 2 sa Angeles City, Pampanga ang isang Swedish national na si Heinz Henry Andreas Berglund, na may kaso ng child exploitation sa Sweden.
Ang biktima umano ay isang 10 taong gulang na bata. Kasama sa operasyon ang NBI at mga dayuhang ahensya mula Sweden at U.S.
Isang araw matapos nito, noong Abril 3, hinuli rin ng BI ang Indonesian na si Ignaz Ega Adhiaga na sangkot sa human trafficking at may dalang mga sensitibong larawan ng mga menor de edad mula sa iba’t ibang bansa.
Ang dalawang banyaga ay sasailalim sa deportation proceedings dahil sa paglabag sa batas-imigrasyon.
Giit ni Commissioner Viado, hindi palalagpasin ng pamahalaan ang sinumang nagnanais na pagsamantalahan ang mga bata. Patuloy ang kampanya ng BI para siguruhing ligtas ang kabataan mula sa mga dayuhang kriminal.
Para sa mga ulat laban sa karahasan sa kabataan, maaaring tumawag sa Makabata Helpline 1383 o bisitahin ang Facebook page ng BI Helpline. | ulat ni Lorenz Tanjoco