Inaasahang babalik bukas, April 8, sa Kamara ang ilang mga vlogger at media influencer, kabilang ang tatlong humingi ng paumanhin sa pagkalat ng fake news, habang ipinagpapatuloy ng Tri-Committee (Tri-Comm) ang imbestigasyon hinggil sa paglaganap ng disinformation online.
Kinumpirma ng Tri-Comm nitong Linggo ang muling pag-anyaya kina Krizette Laureta Chu, Mark Lopez, Mary Jane Quiambao Reyes, at dating press secretary at vlogger na si Atty. Rose Beatrix “Trixie” Cruz-Angeles.
Kabilang din sa mga inimbitahan sa susunod na pagdinig sina Jose “Jay” Yumang Sonza, Elizabeth Joie Cruz (Joie De Vivre), Dr. Ethel Pineda Garcia, Alvin Curay, Ma. Khristine Claud Curay, Epifanio Labrador, Manuel Mata Jr. (Kokolokoy), Dr. Richard Tesoro Mata, George Ahmed Paglinawan (Luminous), Aeron Peña (Old School Pinoy), Ramon Gerardo B. San Luis, at Elijah San Fernando.
Bukod sa mga nabanggit, pinadalhan din ng subpoena ang 24 na vloggers at influencers upang tumestigo sa darating na pagdinig sa Abril 8.
Maaalalang nagbabala noon si Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, chairperson ng Committee on Public Accounts, na maaaring maharap sa contempt at posibleng pagkakakulong kung hindi dadalo sa pagdinig. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes