Nakatutok pa rin ang Department of Social Welfare and Development sa lagay ng mga residenteng nananatili sa evacuation centers dahil sa mataas na aktibidad ng Bulkang Kanlaon.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, as of April 8, mayroon pang 22 bukas na evacuation centers sa Negros kung saan nananatili ang 2,603 na pamilya o katumbas pa ng 8,299 na indibidwal.
Bukod dito, aabot din sa 3,575 na displaced families ang nanunuluyan sa kanilang mga kaanak.

Hindi naman tumitigil sa pagpapaabot ng tulong ang DSWD sa mga nangangailangang residente.
Nakapaghatid na ito ng kabuuang P128-M halaga ng humanitarian assistance kabilang ang ipinamamahaging family food packs at non-food items.
Nananatili namang nakahanda ang DSWD sakaling madagdagan pa ang bilang ng evacuees lalo’t iniulat ngayong umaga ng PHIVOLCS na nagkaroon ng explosive eruption o pagsabog sa Bulkang Kanlaon sa Negros. | ulat ni Merry Ann Bastasa