Ganap nang nakabalik sa normal ang sitwasyon ngayon sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 3.
Ito’y matapos makaranas ng mahigit kalahating oras na power interruption sa nasabing paliparan kaninang pasado alas-12 ng tanghali bunsod ng electrical short circuit sa kanilang roadway 1 at 2.
Ayon kay MIAA Acting General Manager Brian Co, aminado siyang hindi nila inaasahan na magkakaroon ng aberya matapos na madiskubreng naiwan ang ginamit na tester ng MServ technical team.
Sa pulong balitaan kaninang hapon, sinabi ni Co na walang kinalaman sa kagamitan ang nangyaring power outage tulad ng nangyaring aberya sa naturang terminal noong Mayo 1.
Dagdag pa ni Co, wala namang nakanselang flight sa loob ng 30 minutong pagkawala ng suplay ng kuryente bagaman may pitong flights naman ang na-delay dahil dito.
Gayunman, ginagawa nila ang lahat upang hindi na maulit ang naturang problema tulad ng pagbili ng mga karagdagang generator set upang mapanatili ang operasyon ng paliparan kahit magkaroon ng power outage. | ulat ni Jaymark Dagala