Aabot na sa higit 8,000 pamilya o katumbas ng halos 35,000 indibidwal ang apektado ng abnormal na aktibidad ng Bulkang Mayon, batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of June 11.
Mula ito sa 26 na barangay na karamihan ay nasa loob ng permanent danger zone.
Kaugnay nito, umakyat na rin sa 3,643 na pamilya o 13,000 indibidwal ang nananatili sa 20 itinalagang evacuation centers.
Habang mayroon ding higit 100 pamilya ang pansamantalang nakitira muna sa kaanak.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang buhos ng tulong ng DSWD katuwang ang mga lokal na pamahalaan at non-governmental organizations (NGOs) sa mga apektadong residente sa Bicol Region.
Sa pinakahuling tala ng kagawaran, aabot na rin sa higit ₱25-milyon ang naipamahagi nitong relief assistance.
Bukod dito, mayroon pang ₱1.7-bilyong halaga ng stockpile ang DSWD at ₱200-million standby funds para mai-augment sa mga mangangailangang LGU. | ulat ni Merry Ann Bastasa