Maaga pa lang ay mahaba na agad ang pila sa ikinasang Kalayaan job fair na binuksan ng Department of Labor and Employment-CAMANAVA sa SM City Grand Central sa Caloocan City ngayong araw.
Isa sa maagang nakipila rito si Christian, fresh graduate mula pa sa Mindanao na nagbabakasakaling ma-hired on the spot.
Si Tatay Alberto naman, umaasang makahanap pa rin ng trabaho kahit sa edad na 57 years old.
Ayon sa DOLE, nasa 5,300 na trabaho ang alok sa naturang job fair mula sa 50 local employers at anim na overseas employers.
Kabilang sa mga employer na mag-aalok dito ng trabaho ay mula sa BPO, manufacturing, financial at insurance activities, manpower services, at sales and marketing.
Ang mga available na overseas job naman ay sa Saudi Arabia, Slovakia, UAE, Malaysia, Poland, Qatar, New Zealand, Saipan, US, Japan at United Kingdom.
Bukod sa mga alok na trabaho, available rin dito ang one-stop-shop ng mga serbisyo ng gobyerno kabilang ang PSA, TESDA, SSS, Pag-Ibig, Philhealth at BIR. | ulat ni Merry Ann Bastasa