Nanindigan ang Philippine National Police na gumagana ng maayos ang kanilang sistema ng pagdidisiplina para maparusahan ang iilang lumalabag sa batas sa kanilang hanay.
Sa isang statement, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Red Maranan na patunay nito ang pagkakatanggal sa serbisyo ng 836 at pagkakasuspindi ng 1,703 pulis na napatunayang guilty sa samu’t saring paglabag mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Binigyang diin pa ni Maranan na epektibo ang ipinatutupad na kampanya ng PNP laban sa krimen na patuloy na nagtataguyod ng ligtas na komunidad sa bawat Pilipino at paborableng klimang pang-negosyo sa mga mamamayan.
Base aniya ito sa 10 porsyentong pagbaba ng krimen mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito, kumpara sa nakalipas na taon.
Batid din aniya ito ng mga mamamayan sa 80 porsyentong trust and performance rating na ibinigay nila sa PNP sa huling OCTA survey.
Ang pahayag ay inilabas ng PNP matapos na sabihin ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat nang mag-resign ang lahat ng miyembro ng PNP matapos na masangkot sa iligal na droga ang ilang mga matataas na opisyal, at hayaan ang Armed Forces of the Philippines na mag-take-over. | ulat ni Leo Sarne