Pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lahat ng pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon ay napaaabutan ng tulong at walang naiiwan.
Ayon sa Pangulo, batid nila sa pamahalaan na iba-iba ang pangangailangan ng bawat pamilya, at hindi lahat ng pangangailangan ng mga ito ay nakapaloob na sa food at non-food items na ipinamamahagi ng national at local government sa mga nagsilikas.
“Ang pinag-iisipan natin, ang iba maraming anak, ang iba wala, yung iba may inaalagaan na lolo at lola, kailangan ng gamot, kailangan magpatingin sa doktor. So all of these things have to be included.” —Pangulong Marcos Jr.
Batid rin aniya ng gobyerno na hindi lamang ang monetary assistance ang susi sa usaping ito.
Kaugnay nito, inatasan ng pangulo ang concerned agencies na magsagawa ng assessment sa Mayon evacuees, upang matukoy ang mga karagdagang pangangailangan para sa non-cash assistance.
“Whatever is needed, we will have to provide. Marami naman tumutulong, marami namang ahensya. All agencies are already engaged in the rehabilitation effort, in the support for the evacuees,” — Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan