1 Taiwanese at 3 Pilipinong kasabwat, arestado ng PNP Anti-Cybercrime Group sa Bulacan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Areastado ang isang Taiwanese national gayundin ang tatlong kasabwat nitong Pinoy, matapos magkasa ng search warrant operations ang mga tauhan ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa San Jose del Monte City sa Bulacan.

Hindi muna pinangalanan ni PNP-ACG Spokesperson, Police Captain Michelle Sabino ang mga naaresto, dahil sa nagpapatuloy pa ang follow up operations hinggil sa posibleng iba pang mga kasabwat nito.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Sabino, sinabi nito na modus ng mga naaresto ang pagbili ng mga registered subscriber identification module (SIM) card sa halagang P400.

Gayundin ng registered SIM cards na verified sa online wallet app na GCash sa halagang P800, at ibinebenta naman sa mga scammer at ilang POGO operator para gamitin sa kanilang iligal na aktibidad.

Nakuha mula sa mga naaresto ang nasa 6,976 na iba’t ibang SIM Card, 332 SIM card na may SIM bed, 13 Cellphone, tatlong iPAD, dalawang system unit, at iba’t ibang dokumento.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng PNP-ACG sa Kampo Crame ang mga naaresto habang ikinakasa naman ang kasong isasampa laban sa kanila, partikular na ang paglabag sa Access Device Regulations Act of 1998 at Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Jaymark Dagala

📸: PNP-ACG

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us