Magkasabay na sumuko ang isang batang foreign terrorist at isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group sa 1103rd Infantry “Kalis” Brigade sa Indanan, Sulu.
Kinilala ni 1103rd Brigade Commander Col. Christopher Tampus ang mga sumuko na sina Elnekhily Ibrahim Hamada Mohamed, 13 taong gulang, isang Egyptian National; at si Ellam Abduraji Panduga, 27 taong gulang, sub-leader ng Sulu-based Abu Sayyaf Group sa ilalim ni Radullan Sahiron.
Si Ibrahim ay pinaniniwalaang pumasok sa bansa noong 2017 bilang isang turista kasama ang kanyang ama, ina, at dalawang kapatid na lalaki.
Ibinunyag ni Ibrahim na sumali ang kanilang pamilya sa Abu Sayyaf sa Basilan noong 2017 at lumipat sa Sulu upang sumama naman kay Abu Sayyaf Leader Hatib Hajan Sawadjaan noong 2018.
Sa edad na 10 taong gulang ay sumali siya sa Abu Sayyaf at nasangkot sa maraming engkwentro sa Sulu.
Kasabay na isinuko ng dalawang terorista ang M16 rifle, M16A1 rifle, magazine, at 20 rounds ng 5.56mm ammunition at tuluyang sumailalim sa custodial debriefing. | ulat ni Leo Sarne